Manila City – Halos 24,000 na mga kasapi ng New People’s Army ang napabalik-loob sa pamahalaan, patunay na matagumpay ang pagpapatupad ng “whole-of-nation approach” sa ilalim ng Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbigay daan sa pagkakaroon ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict o NTF-ELCAC, para sa malawakan at pang-matagalang kapayapaan sa bansa.
Yan ang pahayag na inilabas ng NTF- ELCAC Spokesperson for Sectoral Concerns and Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy, sa isang Virtual Press Conference, bilang sagot sa patutsada ni re-electionist Senator Leila De Lima na bigo at hindi matagumpay ang Task Force.
“She must have been talking about herself as she is in a desperate situation. She’s (in jail) for being corrupt. Very unfit for national office,” turan ni Badoy, kay De Lima na naging Justice Secretary noong Aquino administration at nadetain sa Camp Crame noong 2017 sa kasong illegal drug trading.
Ito’y sinuportahan ni Navy Captain Ferdinand Buscato, Executive Director ng Task Force Balik Loob, na iprinisentang umabot sa 23,641 na kasapi ng Communist Terrorist Groups (CTGs) ang sumuko at nagpasailalim sa pamahalaan, at 2,052 sa mga ito ay mga “violent extremists”.
Ayon pa kay Buscato, karamihan sa mga dating rebelde na sumuko ay kasalukuyan ng tinatamasa ang mga oportunidad sa kanilang pagbabalik-loob, bilang parte sa mga programa ng NTF- ELCAC na nagbibigay ng mga tulong pinansyal, at pangkabuhayan para sa kanilang mga pamilya.
“We are also hoping that the next administration will continue these programs,” dagdag pa ni Buscato.
Samantala, ayon naman kay Director Monico Batle, NTF-ELCAC Action Officer for Barangay Development Program (BDP), nasa 822 na mga barangay na kasali sa 1st batch ng mga dating control ng NPA, na ngayon ay namumuhay ng mapayapa at sumailalim na sa iba’t ibang proyekto ng BDP. Tinatayang nasa 1,406 barangay naman sa 2nd batch ang napalaya sa mga kamay ng CTGs at inaasahang makatanggap ng Php20 million na halaga ng mga proyekto gaya ng naunang batch sa kabila ng desisyon ng Senado na tanggalin ang BDP.
Photo Courtesy by pna.gov.ph
###