Maituturing pa ring payapa sa pangkalahatan ang katatapos lamang na botohan nitong ika-9 ng Mayo 2022.
Kung ikukumpara ang datos o bilang ng mga election related incident sa katatapos na halalan at mga nakalipas na halalan, mas kaunti ang naitaang insidente ngayon. Noong 2016 mayroon naitalang 133 Election Related Incidents, 60 naman noong 2019 habang 16 lamang ngayong 2022 elections.
Kabilang sa mga naitala ng Pambansang Pulisya ay ang mga pagsabog sa Sharrif Aguak, Datu Piang at Datu Unsay Maguindanao. Maging ang shooting incident sa bahagi ng polling precinct sa Pilot Elementary School, Brgy. Poblacion Buluan Maguindanao kung saan tatlong tanod ang namatay at isa ang nasugatan.
Ang mga insidenteng ito ay masusi at mahigpit na iniimbestigahan ng PNP. Hindi nagtatapos sa araw ng botohan ang trabaho ng Pambansang Pulisya. Ipagpapatuloy ng PNP ang mandato nitong magpatupad ng batas partikular na ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon upang mapanagot sa batas ang mga salarin sa mga insidente ng pagsabog at pagpatay ngayong halalan.
Dagdag nito, bukod sa pagsubaybay ng PNP sa mga insidenteng may kinalaman sa halalan, ang iba’t ibang aktibidad ay nagpapatuloy kasama ng COMELEC, Armed Forces of the Philippines (AFP), Coast Guard, DILG, at iba pang bahagi at haligi ng ating Criminal Justice System. Kabilang na rito ang pagsasagawa ng risk at threat assessment sa mga operasyon laban sa mga masasamang elemento, mga COMELEC checkpoint at iba pang operasyon ng pagpapatupad ng batas, at mga operasyon para sa mabilis at tamang impormasyon ukol sa mga election prohibited act.
Ang mas mahahalagang aspeto ng pagpapatupad ng batas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko ay binigyan ng lubos na prayoridad sa buong panahon ng halalan. Kaakibat nito, makakaasa ang ating mga kababayan na hindi titigil ang ating PNP Security Task Force para sa 2022 National and Local Elections sa pagsasagawa ng mga proaktibong hakbang upang maiwasan ang anumang mga insidente at isyu na may kaugnayan sa katatapos lamang na halalan.
Ipinapaabot natin ang ating taos-pusong pasasalamat sa lahat ng ating mga kapulisan, kasundaluhan, miyembro ng Philippine Coastguard, BFP, BJMP at iba pa na bumubuo sa 214,485 security na naging katuwang ng COMELEC para sa mahusay na pagbabantay at pagpapanatili ng kapayapaan sa katatapos na botohan.
Hindi rin matatawaran ang giting at kontribusyon ng ating 178,531 Force Multipliers sa buong bansa sa kanilang mahalagang papel na iugnay ang PNP sa komunidad at suportahan ang lahat ng pagsisikap ng PNP na maisulong ang payapa at malinis na eleksyon. Sa ating mga force multipliers na nag-alay ng kanilang oras upang makatuwang ng ating mga kapulisan ngayong halalan, maraming salamat sa inyo.
Makakaasa ang ating mga kababayan na sa anumang panahon, halalan man o hindi mananatiling ang PNP ay kakampi ninyo at sisiguro sa kaligtasan niyo.
x x x