Matagumpay na nahuli ang gunman sa pagpatay kay broadcaster Juan “DJ Johnny Walker” Jumalon sa Purok 8, Santa Isabel, Dipolog City, Zamboanga del Norte nito lamang Abril 29, 2024.
Matatandaang binaril ang biktima ng dalawang beses noong Nobyembre 5, 2023 habang nagsasagawa ng live broadcast sa loob ng kanyang tahanan na siya ring istasyon ng kanyang radyo.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng walang humpay na pagsisikap ng Provincial Intelligence Unit, Misamis Occidental Police Provincial Office, 1st at 2nd PMFC, Misamis Occidental PPO, Calamba MPS, PIU ZNPPO, Dipolog CPS, at 1st PMFC ZNPPO.
Kinilala ni Police Brigadier General Ricardo G Layug Jr., Regional Director ng Police Regional Office 10, ang naarestong suspek na si alyas “Janjan” 38 at residente ng Purok Likayan, Barangay San Isidro, Sergio Osmeña, Zamboanga del Norte at kinilala bilang Top 5 Most Wanted Person sa Regional Level.
Ayon kay PBGen Layug, naaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
Ang dalawa pang salarin na sangkot sa pagpatay sa biktima ay nahuli na sa bisa ng Warrant of Arrest noong Marso 15, 2024, na nagsilbing lookout habang pinasok ng gunman ang bahay ni Jumalon.
Ang Pambansang Pulisya ay hindi titigil na sugpuin ang mga taong may pananagutan sa batas upang mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng mga ito.