Arestado ng mga awtoridad ang isang gunman at tulak ng droga sa sa F. Manalo Street, Barangay San Roque, Antipolo City, madaling araw ng Linggo, Mayo 18, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo City Police Station, ang suspek na si alyas “Pablo”, 40-anyos.
Naaresto si alyas “Pablo” habang nagpapatrolya ang mga pulis, napansin nila itong naglalakad habang naka-helmet, isang hindi pangkaraniwang kilos na agad na nagdulot ng suspetsa sa mga awtoridad.
Nang lapitan siya ng mga pulis, bigla siyang tumakbo at itinapon ang kanyang belt bag. Sa kabila ng kanyang pagtakas, nahuli siya ng mga awtoridad. Sa isinagawang inspeksyon, natagpuan sa kanyang belt bag ang tinatayang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php680,000, pati na rin ang isang digital weighing scale.
Ayon kay PLtCol Manongdo, napag-alaman na si “Pablo” ay hindi lamang isang drug courier kundi isa ring kilalang hitman na inuutusan ng kanyang grupo na pumatay ng mga kasamahan nilang hindi nagre-remit ng bayad. Mayroon ding mga kasong murder na isinasampa laban sa kanya, at iniimbestigahan pa kung aktibo pa ang mga Warrant of Arrest na dati nang inilabas laban sa kanya.
Aminado si Pablo na tumanggap siya ng ilegal na droga mula sa isang hindi kilalang indibidwal sa Sitio El Dorado at inaantay niyang ibigay ito sa susunod na kontak. Sinabi niyang tumatanggap siya ng Php1,000 kapalit ng bawat transaksyon. Gayunpaman, itinanggi niya ang akusasyon na siya ay isang gunman at sinabing wala pa siyang napapatay.
Dati na rin siyang nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga. Sa kasalukuyan, hawak na siya ng Antipolo Police at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, pati na rin sa mga kasong may kaugnayan sa pamamaril at pagpatay.