South Cotabato – Arestado ng Polomolok PNP ang isang 27-anyos na lalaki matapos lumabag sa umiiral na COMELEC Gun Ban at makuhanan ng ilegal na droga sa Purok Maharlika, Brgy. Magsaysay, Polomolok, South Cotabato nito lamang ika-20 ng Oktubre 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang suspek na si alyas “Jimmy”, walang asawa, at residente ng Brgy. Kematu, Tboli, South Cotabato.
Sa report ng Polomolok Municipal Police Station, nakatanggap ng tawag ang kanilang tanggapan mula sa isang concerned citizen na nagsabing may dala-dalang baril ang nasabing suspek.
Agad namang tinungo ng mga awtoridad ang naturang lugar upang beripikahin ang ulat, nang makita ng suspek ang mga rumespondeng kapulisan ay biglang pinaputokan dahilan para gumanti ang mga awtoridad.
Nakuha mula sa suspek ang isang yunit ng Cal. 38 revolver na may kasamang mga bala, at dalawang sachet ng hinihalaang shabu na may bigat na 0.42 gramo na nagkakahalaga ng Php9,561.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, RA 10591 at BP 881 (Omnibus Election Code).
Nagpapasalamat naman ang South Cotabato PNP sa kooperasyon ng mamamayan upang agarang mahuli ang lumalabag sa batas. Patunay na ang pagtutulungan ang susi sa ating kapayapaan at kaunlaran.
Panulat ni Khnerwin Jay A Medelin