Pio Del Pilar, Makati City – Naaresto ang isang lalaki na lumabag sa Gun Ban ng mga pulisya ng Makati City nito lamang Lunes, Marso 7, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, District Director ng Southern Police District ang suspek na si Napoleon Mejia y Turrecha, 43, residente ng Pio Del Pilar, Makati City.
Ayon kay PBGen Macaraeg, bandang 10:15 ng gabi ng naaresto ang suspek sa kahabaan ng Santillan St., Brgy. Pio Del Pilar, Makati City ng mga operatiba ng Intelligence Section ng Makati City Police Station.
Ayon pa kay PBGen Macaraeg, ang operasyon ay nag-ugat sa ulat ng isang Barangay Information Network (BIN) hinggil sa isang lalaking nakasuot ng kulay itim na T-shirt, camouflage pants at itim na cap na nakatambay sa paligid ng Santillan St. Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.
Agad namang tumugon ang nasabing himpilan sa nasabing lugar upang iberepika ang impormasyon at pagdating nga nila roon ay nakita nila ang isang lalaking tugma sa paglalarawan ng BIN.
Napansin nila ang nakalantad na puwit ng baril na nakasukbit sa baywang ng suspek kung saan kumpirmado na ito’y isang caliber 38 revolver.
Agad na inaresto ang suspek nang hindi ito makapagpakita ng kanyang lisensya ng baril at mga kaukulang dokumento.
Nakuha mula kay Mejia ang nasabing baril na may tatlong live ammunition, isang identification card at isang pink na Starmobile phone.
Sa dagdag na pahayag ni PBGen Macaraeg, nahaharap sa paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code, habang ang mga nakuhang ebidensya ay itinurn-over sa SPD Forensic Unit para sa ballistics examination.
“Ang Intelligence Driven Operation ng ating mga operatiba at ang kanilang pagbabantay ay nagpapakita ng mabisang paraan para arestuhin ang mga walang prinsipyong indibidwal at mga elementong walang batas. Pagsisikapin natin na magkaroon ng crime free community sa buong Southern Metro at ng maiwasan ang mga insidente sa nalalapit na National and Local Elections 2022”, pagtatapos ni PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
###