Cebu City – Matagumpay ang Grand Launching ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program ng DILG na ginanap sa Plaza Independecia, Cebu City nito lamang Sabado, Nobyembre 26, 2022.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng DILG 7, Hon. Leocadio Trovela, at Police Brigadier General Roderick Augustus Alba, Regional Director ng PRO 7, maging ang mga pamunuan ng DILG 6; DILG 8; PDEA 7; NAPOLCOM 7; DepEd 7; RTC 7; TESDA; DSWD; PIA; BFP; PNP; BJMP; PSA; AFP; at iba pang opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Central Visayas.
Kabilang sa mga naging kaganapan sa naturang programa ay ang Bike Marathon, Fun Run, Zumba at mga pagtatanghal ng mga kultura ng Cebuano na ginanap ng mga iba’t ibang lungsod at munisipalidad ng Cebu.
Nagbigay naman ng aral at inspirasyon ang online icon na si Berto Plando, Jr., na kilala bilang “Berta” sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang traumatic experience sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Samantala, nagpahayag din ng mensahe ng pagsuporta sina BIDA ambassadors Olympian Mary Joy Tabal, Southeast Asian (SEA) Games medalist Andrew Kim Remolino at Nino Surban, at beauty queen na si Kris Tiffany Janson.
Kinilala rin ang mga Local Government Unit na kamakailan ay idineklarang drug-free sa pamamagitan ng paggawad ng mga sertipiko sa mga kinatawan nito.
Lumagda naman ang mga dumalo sa isang pledge of commitment upang ipahayag ang kanilang pangako sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng programa ng BIDA sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang sangay ng gobyerno sa Visayas, maisusulong nito na himukin ang publiko na maging kaisa na tagapagtaguyod sa pagpuksa sa ilegal na droga sa pamamagitan ng programang BIDA ng Department of the Interior and Local Government.