Iminungkahi ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil sa isinagawang Command Conference noong ika-19 ng Mayo na “Go back to basics”, na naglalayong pagtibayin ang disiplina at propesyonalismo ng mga kapulisan.
Ang direktibang ito ay panawagan upang tiyakin ang tamang recruitment process na malaya sa anumang uri na iregularidad at impluwensya. Alisin ang mapagsamantalang Sistema na nagpapabigat sa mga trainees sa oras ng pagsasanay, at kailangang palakasin ang kapasidad ng mga ground operations upang epektibong matugunan ang usaping pangkaligtasan ng publiko.
Maging sa mga schooling, ipinag-utos ni PGen Marbil na pansamantalang suspendihin ang mga Junior at Senior Leadership Courses, at muling suriin ang lahat ng mga mandatory training programs upang tiyaking akma ang mga ito sa mga layunin ng PNP. Ipinahinto rin ang lahat ng foreign training at educational trips upang mailaan ang pondo sa mga programang may higit na epekto.
Upang masiguro ang maayos at epektibong pagpapatupad, itinalaga ng Hepe si PLtGen Jose Melencio Nartatez Jr., ang Deputy Chief PNP for Administration, upang pangunahan at tutukan ang buong implementasyon ng “Go Back to Basics”.
“Panahon na para bumalik tayo sa pundasyon ng tunay na paglilingkod. Kung nais nating umusad bilang isang propesyonal na organisasyon, kailangang palakasin muna natin ang ating mga sistema at itama ang mga gawi na humahadlang sa ating pag-unlad,” ani PGen Marbil.
Giit pa niya, ang direktiba ay maituturing na isang matibay na pangako na ibalik ang mga pangunahing halaga ng serbisyo publiko.
“May pananagutan tayo—sa ating mga komunidad, sa ating mga kapwa pulis, at sa susunod na henerasyon ng mga alagad ng batas. Kailangang ayusin natin ang sistema mula sa loob. At nagsisimula ito sa mga batayang prinsipyo—katapatan, disiplina, at tunay na serbisyo,” pagbibigay-diin ni PGen Marbil.
Mananatiling matatag ang PNP sa pagsusulong ng mga reporma upang matiyak na ang bawat kasapi ng kapulisan ay may integridad at pananagutan sa serbisyo.
Source: PNP FB Page