Tinulungan ng mga tauhan ng 1st Kalinga Provincial Mobile Force Company, 3rd Maneuver Platoon ang isang ginang na nanganak ng malusog na sanggol sa loob ng isang tricycle sa Sitio Calbayan, Barangay Katabbogan, Pinukpuk, Kalinga, nito lamang ika-28 ng Marso 2025.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel John B Cayat, Force Commander ng 1st Kalinga Police Provincial Office, ang ina ay patungo sa ospital matapos makaramdam na malapit na panganganak nang biglang pumutok ang panubigan at ang sanggol ay nagsisimulang lumabas kaya’t huminto ang drayber ng tricycle malapit sa kampo ng pulisya upang humingi ng tulong.

Agad namang tumugon si Police Staff Sergeant Denver Dumagdag, na kasalukuyang nasa lugar kung saan tinulungan ang ginang na maipanganak nang maayos ang malusog na bata sa loob ng tricycle.
Dagdag pa rito, matapos maipanganak ang sanggol ay maingat na inilipat sa mobile vehicle ng yunit at agad na dinala sa Tuao District Hospital para sa karagdagang medical assistance.
Lubos ang pasasalamat ng ginang sa agarang tulong na ibinigay ng kapulisan para sa kanilang kaligtasan ng kanyang anak.
Ang mabilis na aksyon ng mga tauhan ng 1st PMFC ay patunay lamang na ang Pambansang Pulisya ay may malasakit at handang tumulong upang tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.