Mananatili pa ring naka-full alert status ang Philippine National Polic (PNP) habang nagpapatuloy ang canvassing ng mga boto hanggang sa maiproklama ang lahat ng mga nanalong kandidato sa buong bansa.
Iyan ay ayon sa pahayag ni Police General Rommel Francisco D Marbil, PNP Chief, matapos inanunsyo na naging mapayapa ang pangkalahatang pagdaraos ng 2025 NLE nitong Lunes sa buong bansa.
Pinuri pa ng hepe ang lahat ng yunit ng Pambansang Pulisya at ang iba pang mga law enforcement agency na tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa nasabing halalan.
Dagdag pa ni PGen Marbil na tumindig at sumunod lamang ang PNP sa direktiba ng Pangulo sa pagtaguyod ng mapayapa, ligtas, at tapat na eleksyon.
Sa kabila ng mangilan-ngilang naiulat na insidente ng karahasan sa iilang mga lalawigan, minor technical at logistical issues gaya ng pagkasira ng Automated Counting Machines, at iba pang mga malilit na aberya, sinabi ni PGen Marbil na wala sa mga insidenteng ito ang nagdulot ng banta sa seguridad o nakaapekto sa maayos na daloy ng eleksyon.