Pamplona, Cagayan – Limang bata ang napasaya ng mga tauhan ng Pamplona Police Station dahil sa pag-alok ng libreng pa-swimming sa isang resort sa Sitio Lupigui, Brgy Centro, Pamplona, Cagayan noong Agosto 29, 2022.
Sa pagpapatrolya ng mga kapulisan ay namataan nila ang mga batang residente ng Capallalian, Pamplona, Cagayan na naliligo sa ilog. Sinabihan ang mga bata na madumi ang ilog at maaari silang makakuha ng sakit dito.
Dagdag pa, wala silang kasamang nakakatanda na magbabantay sa kanila. Kaya’t tinungo at kinausap ng mga tauhan ng Pamplona PS ang kanilang mga magulang. Nagpaalam at inialok na ilipat ang mga bata sa isang Resort upang doon ituloy ang kanilang pag-swimming.
Matamis na ngiti at tuwa ang nakita ng mga kapulisan sa mga bata nang nagtungo sila sa isang resort sa naturang bayan upang libreng mag-swimming kasama ang ama ng mga bata.
Nagpasalamat naman ang tauhan ng Pamplona PNP sa may-ari ng resort dahil sa pinaunlakan ang libreng pa-swimming para sa mga bata.
Patuloy pa rin sa pagpapaalala ng mga kapulisan sa mga magulang na huwag hayaang maligo sa mga ilog ang kanilang mga anak na walang nakakatandang kasama upang masiguro ang kanilang kaligtasan habang naglalaro at nagsasaya.
Source: Pamplona PS
###
Panulat ni Police Corporal Carla Mae P Canapi