Isinagawa ang Final Testing at Sealing ng mga Automated Counting Machines o (ACMs) bilang paghahanda para sa nalalapit na 2025 National and Local Elections sa lungsod ng Malaybalay, Bukidnon nito lamang ika-7 ng Mayo 2025.
Umabot sa 157 na Automated Counting Machines ang nasubukan habang mayroon pang labing-dalawang karagdagang reserbang makina na bahagi ng contingency plan.
Ang pagkakaraoon ng Final Testing at Sealing ay isang mahalagang hakbang upang masiguro na handa at maayos ang teknolohiyang gagamitin sa eleksyon.
Isinagawa ito sa mga itinalagang polling centers kung saan pinatunayan ng Commission on Elections (COMELEC) na gumagana nang maayos ang mga makinang magbibilang ng mga balota. Kasama sa proseso ang pagsubok gamit ang test ballots upang matiyak na tugma ang resulta mula sa Automated Counting Machines kumpara sa manual counting.
Ayon sa COMELEC Malaybalay, walang naitalang aberya sa isinagawang testing.
Ipinaliwanag ng COMELEC na mahalaga ang Final Testing at Sealing (FTS) upang maiwasan ang mga teknikal na problema sa mismong araw ng halalan, at upang matulungan ang mga miyembro ng electoral board na maging pamilyar sa paggamit ng mga makina.
Ang aktibidad ay sinuportahan din ng lokal na pamahalaan ng Malaybalay sa pamamagitan ng Tanggapan ng City Treasurer na pinamumunuan ni Acting City Treasurer Bella Stephanie B. Saavedra, at ni City Administrator, Atty. Anna Marie R. Bergado.