Pigcawayan, North Cotabato – Nauwi sa engkwentro ang isinagawang entrapment operation ng Pigcawayan Municipal Police Station sa mga cigarette smugglers sa Brgy. Upper Baguer, Pigcawayan, North Cotabato, noong Miyerkules, Hunyo 8, 2022.
Nakilala ni PMaj Carl Jayson Baynosa, Chief of Police ng nasabing istasyon ang mga suspek na sina Vhan Mangcog Ali, 40, may asawa at ang kanyang kasama na si Tahir Musa, 53, parehong residente ng Barangay Poblacion, Pagalungan, Maguindanao.
Ayon kay PMaj Baynosa, agad natunugan nina Ali at Musa ang mga pulis kaya mabilis itong sumibat at nagpaputok. Gumanti ang mga otoridad at hinabol ang mga suspek.
Nagtamo ng mga tama ng baril ang dalawang suspek at agad na dinala sa Pigcawayan Doctors Specialist Hospital para sa atensyong medikal.
Gayunpaman, ang suspek na si Ali ay idineklarang dead on arrival ng attending physician habang nasa ligtas na kalagatan na ngayon ang kanyang kasama na si Musa.
Narekober ang isang unit ng cal. 45 Colt na may serial number 821735 na kargado ng anim na live ammos, siyam na kahon ng Fort and Modern cigarettes na nagkakahalaga ng Php135,000, dalawang pirasong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.4 grams na may tinatayang halaga na Php1,000, isang unit ng Toyota Avanza na may plate number na NDC8211, isang fire cartridge case ng cal.45, at Php11,000.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sec. 1401 (Unlawful Importation or Exportation) ng RA 10863 o mas kilala bilang Custom Modernization and Tariff Act.
Patuloy ang kampanya ng PNP laban sa mga gustong magpuslit ng mga smuggled cigarettes. Ito ang resulta sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas sa lahat ng entry at exit point sa ating bansa dahil sa kooperasyon ng mga mamamayan na kaagapay sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng ating pamayanan.
###
Panulat ni Patrolwoman Sherie-ann Masi