Davao City – Arestado ang isang empleyado ng Davao City Environment and Natural Resources Office sa buy-bust operation ng mga tauhan ng PNP at PDEA, noong Hulyo 10, 2022.
Kinilala ni PMaj Jose Rodrigo Mendoza, Station Commander ng Sasa Police Station, ang suspek na si John Allin Tomale Felicia alyas “Boss”, 30, residente ng Brgy. Lapu-Lapu, Agdao, Davao City at empleyado ng CENRO Davao.
Ayon kay PMaj Mendoza, naaresto ang suspek sa Solid Street, Brgy. Lapu-Lapu, Agdao, Davao City ng pinagsamang tauhan ng Sasa PS kasama ang Davao City Maritime Police Station; 1105th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 11; Technical Support Company (TSC) RMFB 11; City Intelligence Team katuwang ang PDEA XI.
Dagdag pa ni PMaj Mendoza, nakuha mula sa suspek ang ilang piraso ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 0.16 gramo at tinatayang may street market value na Php1,500 at marked money na ginamit sa operasyon.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, nagbabala naman ang PNP na wala silang kinikilingan kahit ito pa ay isang empleyado ng gobyerno kapag lumabag sa batas ay kanilang huhulihin at papanagutin.
###
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara