Walang namomonitor na anumang seryosong banta sa seguridad ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng gaganaping lokal at nasyonal na halalan sa darating na Lunes, Mayo 12.
Ito ang inihayag nitong Sabado ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo kung saan handang-handa na ang PNP para sa pagbabantay sa midterm polls.
“Wala naman tayong namomonitor na seryosong banta, pero hindi tayo nagkukumpiyansa at patuloy ang ating intelligence gathering,” pahayag ni Fajardo.
Sinabi ni Fajardo na sa kabuuan ng election period ay naging mapayapa ito bagaman may ilang mga insidente ng karahasan na naitala dulot ng alitan sa pulitika.
Una rito, isinailalim ng PNP sa full alert status ang buong puwersa nito upang tiyakin ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng halalan.
Nasa 163,000 pulis ang idineploy sa buong bansa.
Sa kasalukuyan ay nasa 40 ang naitalang Election Related Incident (ERIs), 26 dito ang bayolente at 14 naman ang non-violence.
Karamihan naman sa mga bayolenteng insidente na may kinalaman sa halalan ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakapagtala ng walong (8) insidente at Cordillera Administrative Region (CAR) na may pito (7) namang kaso.
Patuloy ang monitoring ng PNP lalo na sa araw ng botohan, bilangan at hanggang sa mailuklok ang mga nagwaging kandidato.
Source: Pilipino Star Ngayon
Photo Courtesy by Malalag Mps Pnp