Nahuli ang isang lalaki sa isinagawang “Oplan Bakal” ng Alaminos City PNP sa Melody’s Videoke Bar sa Barangay Amandiego, Alaminos City, Pangasinan nito lamang ika-11 ng Pebrero 2024.
Kinilala ni Police Major Oliver D Baniqued, Investigation Police Commissioned Officer ng Alaminos City Police Station, ang suspek na si alyas “Ver”, 39, at residente ng Barangay Banog Norte, Bani, Pangasinan.
Ayon kay PMaj Baniqued, bandang 12:24 ng madaling araw nang nakipag-coordinate ang Alaminos PNP sa manager ng nasabing Videoke Bar at agad isinagawa ang Oplan Bakal.
Nakumpiska kay alyas “Ver” ang isang baril na nakalagay sa isang holster, at ang 25 pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 25 gramo na may estimated standard drug price na Php170,000.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Alaminos City PNP ay patuloy sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na paggamit ng baril at droga para sa kaligtasan ng mamamayan. Kaisa ng bawat Pilipino ang Pambansang Pulisya sa pagpuksa sa lahat ng uri ng kriminalidad at ilegal na gawain.