Kalaboso ang tatlong drug personalities sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Southern Police District nito lamang Miyerkules, Abril 3, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Mark D Pespes, District Director ng SPD, ang mga suspek na sina alyas “Melinda”, 37 anyos; alyas “Hawadi”, 49 anyos, tricycle driver; at alyas “Zanora,” 26 anyos.
Naganap ang operasyon sa Barangay Western Bicutan, Taguig City sa pangunguna ng Southern Police District Drug Enforcement Unit kasama ang DID-SPD, DSOU-SPD, DMFB-SPD, PDEA-SDO, at Sub-station 2 Taguig City na humantong sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska ng awtoridad ang humigit kumulang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php340,000 kasama ang buy-bust money at isang cellular phone.
Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Nananatili kaming matatag sa aming pangako na pangalagaan ang aming komunidad at patuloy na hahabulin ang mga naghahangad na kumita sa pagdurusa ng iba. Ang matagumpay na operasyong ito ay nagpapadala ng malinaw na mensahe na hindi kami susuko sa aming mga pagsisikap na itaguyod ang batas at tiyakin ang kaligtasan ng ating mga tao,” ani PBGen Pespes.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos