Western Bicutan, Taguig City — Nabuwag ang umano’y drug den sa Taguig City kasabay ng pagkakadakip sa walong drug suspek kabilang na rito ang tinaguriang High Value Individual (HVI) at pito pa nitong kasamahan na matagal ng target ng mga otoridad nito lamang Martes, Hulyo 5, 2022.
Kinilala ni SPD Director, PBGen Jimili Macaraeg, ang mga naarestong suspek na sina Alfatha Tangurak Sumandal alyas “Toto”, 21, mekaniko (HVI-Drug Den Maintainer); Norhadz Osmeña Ali, 21; Arnold Abarasa Milgaril , 40; Fernan Torzar Rodriguez, 27, construction worker; Richard Manansala, 25, station loader; Paul John Torzar Rodriguez, 22, vendor (SLI-user); Ernesto Garcia Pascual, 39, construction worker; at Tony Uda Watamama, 50, billiard spotter.
Ayon kay PBGen Macaraeg, bandang alas-5:00 ng umaga nang isagawa ang operasyon sa Purok 9 PNR Site FTI Compound, Barangay Western Bicutan, Taguig City ng District Drug Enforcement Unit ng SPD at DID.
Narekober sa mga suspek ang 11 heat-sealed transparent plastic sachet na hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 51 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php346,800, at isang Php500 na buy-bust money.
Nahaharap sa paglabag sa Sections 5, 6 at 11 sa ilalim ng Art II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nabanggit na suspek.
Pinuri naman ni PBGen Macaraeg ang mga arresting unit sa kanilang pagpupursige na pigilan ang paglaganap ng ilegal na droga, aniya, “Sa patuloy na pag-aresto sa mga personalidad ng ilegal na droga, mas mababa ang pagkakataon ng mga drug traders na ipalaganap ang kanilang mga ilegal na aktibidad sa ating lugar. Magaling ang trabaho at ipagpatuloy ang inyong pagsusumikap para sa mas ligtas na Southern Metro,” pagtatapos niya.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos