Sinalakay ng mga operatiba ng South Cotabato PNP ang isang drug den na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na indibidwal sa Purok Sagrado, Brgy. Poblacion, Polomolok, South Cotabato nito lamang ika-14 ng Enero 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Johnny Ricky Medel, Hepe ng Polomolok Municipal Police Station, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Edit”, 21; “Zed”, 23; “Mike”, 25; “Chris”, 25; “Argel”, 35; at “Ray”, 22, pawang mga residente ng Polomolok, South Cotabato.
Bandang 4:00 ng hapon nang ikasa ang buy-bust operation katuwang ang mga operatiba ng SCPIU, SCPDEU, RID 121st at 2nd SCPMFC, RSOG 12 at sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Regional Office 12.
Nasabat mula sa mga suspek ang pitong pirasong sachet ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang bigat na tatlong gramo na may tinatayang halaga na Php20,580 at buy-bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tiniyak naman ni PLtCol Medel na patuloy ang kanilang Anti-Illegal Drugs Operation sa pagsugpo sa aktibidad ng ilegal na droga sa kanilang nasasakupan tungo sa mas ligtas at mas maayos na pamayanan.
Panulat ni Patrolwoman Flora Mae Asarez