Kalaboso ang 31-anyos na lalaki matapos makuhanan ng ilegal na droga at baril sa ikinasang entrapment operation ng Lebak PNP sa Purok Center 1, Barangay Bolebak, Lebak, Sultan Kudarat, dakong 6:55 ng gabi ng Pebrero 24, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Julius R Malcontento, hepe ng Lebak Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Jonathan”, 31 anyos, at residente ng Barangay Bongo, South Upi, Maguindanao Del Sur.
Ayon kay PLtCol Malcontento, nakatanggap sila ng impormasyon na may ilegal na aktibidad na nagyayari sa nasabing lugar kaya nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng Sultan Kudarat CIDG Provincial Force Unit, kasama ang Sultan Kudarat PHPT-Highway Patrol Group, 2nd Sultan Kudarat PMFC at RID 12 Tracker Team Delta na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Narekober mula sa suspek ang shabu na may timbang na 12.5 gramo at may Standard Drug Price na Php85,000; isang unit ng Cal. 22 revolver; perang ginamit bilang buy-bust money, at iba pang non-drug items.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kasong kakaharapin ng suspek.
Patuloy naman ang buong hanay ng Lebak PNP sa pagpapahusay at pagpapaigting ng kampanya kontra ilegal na droga at sa lahat ng uri ng kriminalidad tungo sa kaayusan at kapayapaan ng komunidad na kanilang nasasakupan.
Panulat ni Pat Brylyn Jean P Cabonilas