Marawi City (January 10, 2022) – Tagumpay ang isinagawang Development Training and Learning Enhancement Program ng Public Assistance for Rescue Disaster Support Service Foundation International Incorporated (PARDSS FII) sa mga taga Lanao Del Sur nitong Enero 8 hanggang Enero 10, 2022.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng iba’t ibang opisyal at miyembro ng PARDSS Foundation Tarlac Chapter, mga bisita mula sa Lokal na Pamahalaan ng Tarlac, iba’t ibang indibidwal mula sa Local Government Unit ng Lanao Del Sur, at iba pang Non-Governmental Organization representatives.
Isa sa mga tagapagsalita si Police Executive Master Sergeant Abulcair Bangcola ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) na naatasang magsalita ukol sa “PNP Anti-Crime Advocacy” na kung saan binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag sa kahit anumang sitwasyon. Nagbahagi rin siya ng mga mahahalagang tips kung paano makakaiwas sa mga krimen at iba pang uri ng kriminalidad. Kasama rin sa mga panauhing pandangal si Dr. Manolo “Mandy” Amisola NBI Training Specialist IV/Protective Agent.
Layunin ng nasabing training na turuan at suportahan ang mga miyembro ng PARDSS Foundation na maging epektibong volunteer na may pakialam sa bayan at sa kaniyang kapwa.
Nais ding iparating ng PARDSS sa publiko ang kahalagahan ng kooperasyon ng mga mamamayan kasama ang ating mga kapulisan tungo sa matiwasay at maunlad na lipunan.
Taos puso namang nagpapasalamat si Ms Arcie Fabon, International Founding President sa lahat ng dumalo at nakibahagi sa nasabing training.
#####
Panulat ni Patrolman Rolando Baydid Jr, RPCADU 10
Salamat sa mga kapulisan