Camalig, Albay – Nakapiring, wala ng buhay at may tama ng bala sa leeg, likod at iba pang bahagi ng katawan ng matagpuan ang isang lalaking delivery rider sa gilid ng kalsada sa Barangay Solong, Camalig, Albay nito lamang Miyerkules, Hunyo 8, 2022.
Kinilala ni Police Major Kenny Tantiado, Chief of Police ng Camalig Municipal Police Station ang biktima na si Omar Alemania, 28, delivery rider at residente ng Barangay Maopi, Daraga, Albay.
Ayon kay PMaj Tantiado, bandang 7:00 ng umaga ng umalis ang biktima para magdeliver ng mga parcel sa Barangay San Vicente at sa kalapit nitong lugar sa bayan ng Daraga, Albay.
Ayon pa kay PMaj Tantiado, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng .45 na baril at isang basyo ng 9mm.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP para matukoy ang motibo at ang taong nasa likod ng nasabing krimen.
Source: Camalig Municipal Police Station, Albay PPO
###
Panulat ni Patrolman Rodel Grecia