Southern Leyte – Napasakamay ng mga awtoridad ang isang dealer ng marijuana sa isinagawang operasyon sa Brgy. Nasaug, Maasin City, Southern Leyte nito lamang Biyernes, Oktubre 6, 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Jayson Balbarona, Acting Chief of Police ng Maasin CPS, ang naaresto na si Julius, 28, binata, empleyado ng Glass and Aluminum Supply, residente ng Brgy. Rizal, Maasin City at kasama sa listahan ng mga High Value Target.
Ikinasa ang buy-bust operation bandang 1:50 ng hapon ng pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng Maasin City Police Station kasama ang PDEA 8 – Southern Leyte Provincial Office.
Nakumpiska mula sa suspek ang apat na pirasong kahon ng posporo na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, tangkay, at mga buto na tumitimbang ng mahigit kumulang sa 10 gramo na may tinatayang halaga na Php2,500.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at pansamantalang nakakulong sa Maasin CPS Lock-up Facility.
Hinihikayat naman ng PNP at PDEA ang publiko na patuloy na suportahan ang kampanya ng mga awtoridad laban sa mga ilegal na aktibidad.