Himas-rehas ang isang 27 anyos na lalaki na dating traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) makaraang ireklamo dahil sa pangingikil o pangongotong nito sa isang motorista nito lamang Martes, Abril 2, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Nelson Cortez, Station Commander ng Malate Police Station 9, ang suspek na si alyas “Lloyd”, 27 anyos, isang lalamove rider at residente sa Kapitbahayan, North Bay Boulevard South, Barangay Kaunlaran, Navotas City.
Base sa ulat ng MPD, alas-6 ng gabi nang maispatan ang suspek na nakasuot ng MTPB uniform at nagpakilalang enforcer na nagsasagawa ng operation sa mga oras na iyon. Pinara at sinita ng suspek ang isang motorista kasabay ng pag-giit na may paglabag ito sa batas trapiko dahil sa “swerving” sa kahabaan ng Pedro Bukaneg st Barangay 720 Malate, Maynila.
Kaugnay nito, pilit na kinukuha ng suspek ang driver’s license ng biktima. Kasunod nito, ang pangigipit ay nauwi sa pangingikil at tila naghanap na lamang ng areglo ang suspek sa halagang Php2,000.
Dahil dito, mabilis na humingi ng saklolo ang biktima sa mga nagpapatrolyang kapulisan ng Malate PS-9 dahilan kaya agad na nadakip ang suspek at sinampahan ng kasong Robbery Extortion.
Dahil dito, sinampahan pa ng kasong paglabag sa Article 179, Revised Penal Code (Usurpation of Authority) ang suspek dahil sa modus na pagpapanggap na MTPB enforcer.
Samantala, paalala ng Manila Police District sa mga kababayan nating motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, siguruhin ang pagsunod sa batas-trapiko at huwag mag-atubiling lumapit sa mga nagpapatrolyang pulis sa oras na mangailangan ng Police Assistance.
Source: Police Big Brother
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos