Boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang dating miyembro ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) at kusang-loob na isinuko ang kanyang baril sa Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company sa Camp General Alejo S Santos, Barangay Bulihan, Malolos City, Bulacan nito lamang Huwebes, ika-16 ng Enero 2025.
Kinilala ni Police Major Christopher Baybayan, Force Commander ng nasabing yunit, ang sumuko na si alyas “Ka Tets“, 48 anyos, residente ng Barangay Calero, Malolos, Bulacan.
Nabatid na ang Rebulusyonaryong Hukbong Bayan ay nag-ooperate sa coastal areas ng Bulacan, Bataan, Pampanga at Zambales.
Samantala, kasabay ng pagbabalik-loob nito ay isinuko din ang isang caliber .38 na walang serial number na may tatlong bala.
Kaugnay ito sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), na programa ng gobyerno at nakatanggap ang sumuko ng grocery packs na handog ng mga Bulacan PNP.
Patuloy na nananawagan ang Pambansang Pulisya sa mamamayan na makiisa at makipagtulungan upang labanan ang insurhensiya at hikayatin ang iba pang miyembro at tagasuporta ng CTGs na magbalik-loob sa ating pamahalaan at magbagong buhay kasama ang pamilya at patuloy na sumuporta sa ating gobyerno.
Panulat ni Pat Mildred A Tawagon