Isang dating kasapi ng Communist Terrorist Group Front Organization (CTGFO) ang boluntaryong sumuko sa awtoridad noong Setyembre 29, 2024, bandang alas-4:00 ng hapon sa Ilocos Norte.
Ang nasabing pagsuko ay pinangunahan ng 2nd Ilocos Norte Provincial Mobile Force Company (INPMFC) sa pamumuno ni Police Major Fernando L. Fernandez Jr., AFC.
Kinilala ang sumukong indibidwal na si Samuel Valencia Ceredon, 54 taong gulang, residente ng Barangay Lydia, Marcos, Ilocos Norte, at dating miyembro ng grupong Alyansa Dagiti Mannalon iti Ilocos Norte (AMIN).
Ayon sa mga ulat, si Ceredon ay na-recruit noong 2002 dahil sa mapanlinlang na ideolohiya ng kanilang organisasyon. Sa kanyang karanasan, hindi natupad ang mga pangakong mas magandang buhay, na nagbunsod sa kanyang pagtalikod sa grupo noong 2005.
Isang .38 kalibreng revolver na may serial number na 266771, na matagal niyang iningatan, ang kanyang isinuko bilang patunay ng kanyang taimtim na hangaring magbalik-loob. Bilang suporta, tinanggap din niya ang tulong na nagkakahalaga ng Php3,000 at food packs mula sa pamahalaan.
Matapos ang kanyang pagsuko, sumailalim si Ceredon sa debriefing process at kasalukuyan nang pinoproseso ang mga kaukulang dokumento para sa kanyang ganap na pagbabalik sa ilalim ng batas.
Si Barangay Kapitan Rudolfo Balantac ay nakipag-ugnayan upang tiyakin ang tuloy-tuloy na disassociation ni Ceredon sa dating grupo at maiwasan ang anumang posibleng muling koneksyon.