Kusang sumuko ang isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) at nagbalik-loob sa pamahalaan sa Bayan ng Baggao sa Cagayan noong ika- 27 ng Disyembre 2024.
Pinangasiwaan ng 2nd Mobile Platoon, 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company sa pangunguna ni PSSg Dandy Domingo kasama ang Baggao Police Station sa pangunguna ni PSMS Rachie Elpedes ang pagputol ng suporta ng dating miyembro ng CTG na si alyas “Noy”, 52 taong gulang, may asawa, magsasaka at residente sa Baggao, Cagayan.
Ayon kay alyas “Noy”, ni-recruit siya ni Dominador Javier (Ka Babing) noong 1999 na patuloy na bumibisita sa kanilang lugar sa San Antonio, Baggao, Cagayan. Ibinunyag pa na dumalo siya sa anibersaryo ng NPA sa Sitio Matukak, San Antonio noong 2009 na may hindi matukoy na bilang ng mga CTG.
Dagdag pa nito, itinalaga rin siya bilang messenger “Pasabilis” ng makakaliwang grupo sa kanilang barangay kung may mga tropa ng gobyerno na papasok at nagsasagawa ng combat operations at naging courier din ng pagkain at gamot ng CTG.
Bunga ng serye ng Lingkod Bayanihan at Pulung-pulong na isinagawa ng pamahalaan at kapulisan, nagpasya si alyas Noy na umalis at tuligsain ang kanyang suporta sa nasabing organisasyon at piniling mamuhay ng normal kaya kusang sumuko at binawi ang kanyang suporta sa CTG bilang suporta sa mga programa ng gobyerno lalo na sa NTF-ELCAC.
Kasabay ng pagbabalik-loob nito ang kusang pagsuko sa isang (1) unit ng Calibre 22 revolver na walang bala at ngayon ay nasa kustodiya na ng Baggao Police Station.
Source: Baggao Police Station