Boluntaryong sumuko ang isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa mga awtoridad sa Barangay Lepanto, Quezon, Isabela noong Pebrero 26, 2025.
Kinilala ang sumuko na si alyas “Miguel”, 66 taong gulang, isang magsasaka at residente ng naturang barangay.

Kasabay ng kanyang pagbabalik-loob ay isinuko rin niya ang isang homemade na 12-gauge shotgun na walang serial number.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, inilahad ni Ka “Miguel” na siya ay naging kasapi ng CTG nang siya ay ma-recruit at linlangin ng grupo taong 2003 bilang miyembro ng KAGIMUNGAN ng ANAKPAWIS sa pamamagitan ng isang nagngangalang Isabelo Adviento. Di naglaon, naging bahagi siya ng KASAPI at nakilala si Ka Chito. Isa rin siya sa mga lumahok sa isang kilos-protesta sa Ilagan City noong 2004.
Dagdag pa dito, Marso 18, 2006, nakasagupa nila ang militar sa Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan, dahil dito nagdesisyon siyang humiwalay sa grupo at hindi na bumalik at pinili niyang manirahan kasama ang kanyang mga kamag-anak sa Quezon, Isabela upang mamuhay nang tahimik at normal.
Dahil sa patuloy na pagsisikap ng kapulisan at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Quezon Police Station, sa ilalim ng pamamahala ni Police Major Clarence Labasan, katuwang ang RIU2-PIT Isabela, PIU-IPPO, 3rd MP 201st MC-RMFB2, at 3rd Platoon-IPMFC, matagumpay na naisakatuparan ang kanyang pagbabalik-loob sa gobyerno.
Patuloy namang nananawagan ang Isabela PNP sa mga miyembro ng CTG at mga tagasuporta nito na talikuran na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob na sa pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Source: Isabela PNP
Panulat ni PCpl Kelvin Paul Juan