Aringay, La Union – Sumuko sa mga tauhan ng Police Regional Office 1 ang isang dating miyembro ng Timek ti La Union o TIMUN, Aringay Chapter, na isang Local Communist Front Organization sa Aringay, La Union nitong Sabado, Hunyo 4, 2022.
Kinilala ni Police Major Benjie Daireu Umalla, Hepe ng Aringay Municipal Police Station ang sumuko na si alyas “Ka Leonardo”, 62, residente ng nasabing lugar.
Boluntaryong sumuko si “Ka Leonardo” sa pinagsanib na tauhan ng La Union Provincial Intelligence Unit, Aringay MPS, Regional Intelligence Unit 1, Regional Intelligence Division 1 at Technical Support Company ng Regional Mobile Force Battalion 1.
Si “Ka Leonardo” ay kasalukuyang sumasailalim sa debriefing process kung saan pagkatapos nito ay itatalaga siya bilang miyembro ng Barangay Information Network (BIN) upang maglingkod at maging katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kanilang lugar.
Ang pagsuko ni “Ka Leonardo” ay tanda ng epektibong pakikipag-negosasyon ng mga otoridad sa mga katulad nilang naligaw ng landas upang magbalik-loob sa pamahalaan laban sa mga mapanlinlang na estratehiya ng mga makakaliwang organisasyon.
Patuloy namang magsusumikap ang mga kawani ng PRO1 upang mas marami pang mga miyembro ng CTG ang sumuko nang sa gayon ay tuluyan ng mawakasan ang insurhensya sa Rehiyon.
###
Panulat ni Police Staff Sergeant Bader Ceasar Ayco