Walang pag-aalinlangang sumuko sa pamahalaan ang dalawang dating kasapi ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army- National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa Oriental at Occidental Mindoro nito lamang ika-1 ng Abril 2024.
Ang sumukong dating rebelde ay kinilalang si “Ka Batong,” 22 taong gulang, dating personalidad ng CNT sa ilalim ng mga nalalabing bahagi ng KLG-MAV, SRMA-4D, at STRPC ay kusang sumuko sa mga tauhan ng Regional Intelligence Unit 4B sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Ang isa pang dating rebelde ay kinilalang si “Ka Larry,” 48 taong gulang, dating myembro ng CTG sa ilalim ng SMRA 4D at STRPC at sumuko naman sa PIT Occidental Mindoro RIU 4B.
Ang matagumpay na pagsuko ng dalawang dating rebelde ay naging posible sa tulong nang pinagsanib na puwersa ng iba’t ibang yunit ng kapulisan ng Occidental at Oriental Mindoro at iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Air Intelligence and Security Wing ng Philippine Air Force at marami pang iba.
Sa ngayon, ang dalawang sumukong rebeldeng ito ay nasa ilalim na ng pangangalaga ng pulisya para sa debriefing at binigyan ng paunang tulong bago sila maisama sa Enhanced Comprehensive and Local Integration Program (E-CLIP).
Ang kanilang pagsuko ay isang tagumpay para sa gobyerno at kapulisan na isang patunay lamang sa patuloy na pagbaba ng suporta sa armadong pakikibaka sa rehiyon. Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na koordinasyon at pagsisikap ng iba’t ibang ahensya, umaasa ang pamahalaan na mas marami pang rebeldeng magpapakita ng katulad na desisyon na sumuko at makiisa sa kapayapaan at kaunlaran ng bansa.
Patunay lamang na ang Pambansang Pulisya ay patuloy sa pagpapatupad ng kanilang sinumpaang tungkulin kontra kriminalidad at anti-insurgency campaign na naaayon sa mga programa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng maunlad na bansa para sa sambayanang Pilipino tungo sa isang bagong Pilipinas.
Source: Police Regional Office MIMAROPA
Panulat ni Patrolwoman Desiree A Padilla