Arestado ang dalawang indibidwal na tinaguriang Most Wanted Person sa Rehiyon ng Calabarzon sa magkahiwalay na manhunt operation na isinagawa ng Laguna PNP nito lamang ika-24 ng Marso 2025.
Kinilala ni Police Colonel Ricardo I. Dalmacia, Acting Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office, ang mga suspek na sina alyas “Nel”, residente ng Candelaria, Quezon at alyas “Mich” na residente naman ng Calamba City, Laguna.
Ayon kay PCol Dalmacia, nagsagawa ang Calauan Municipal Police Station ng manhunt operation matapos matukoy ang kinaroroonan ng mga suspek bandang 7:35 ng gabi sa Barangay Taguan, Candelaria, Quezon na nagresulta sa pagkakaaresto kay “Nel”.

Samantala, sa hiwalay na joint manhunt operation ng 1st Laguna Provincial Mobile Force Company (LPMFC) kasama ang Calamba Component City Police Station at RID-RSOU 4A ay naaresto si “Mich” dakong 5:55 ng hapon sa operasyon sa Barangay Lingga, Calamba City, Laguna.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong Qualified Theft na walang inirerekomendang piyansa.
“Nagiging matagumpay ang mga operasyon ng ating mga kapulisan sa tulong ng mga impormasyon na ibinibigay ng ating mamamayan. Ito ay isang patunay lamang na maganda ang samahan ng ating pamayanan at kapulisan,” pahayag ni PCol Dalmacia.