Antique – Sugatan ang dalawang miyembro ng 1st Antique Provincial Mobile Force Company sa ginawang pang-aambush ng mga rebelde sa Barangay Aningalan, San Remigio, Antique dakong 12:30 PM ng Linggo, ika-11 ng Disyembre 2022.
Ayon kay Police Master Sergeant Rocky Luzarita, Invetigator-On-Case, magreresponde sana ang mga tauhan ng 1st Antique PMFC kasama ang San Remigio Municipal Police Station sa natanggap na impormasyong may mga miyembro ng Communist Terrorist Group na nagsasagawa ng bandalismo sa Green House, isang plantasyon ng gulay, Government-owned plantation na matatagpuan sa Sitio Gahit.
Pagdating sa naturang lugar ay agad silang pinaputukan ng mga armadong CTGs at tinamaan sina Police Corporal Jomer Yamuyam at Patrolman Danmer Dela Cruz, tumagal ng sampung minuto ang putukan.
Ayon pa kay PMSg Luzarita, humigit kumulang labing-anim na katao na may mga dalang mahahabang baril na pinangunahan ni Harold Mariano alyas “Ka Rod” ang nakasagupa ng ating kapulisan.
Samantala, dinala ang dalawang sugatang pulis sa Angel Salazar Memorial General Hospital, San Jose Antique, at nasa mabuting kondisyon na si PCpl Yamuyam habang si Patrolman Dela Cruz ay inilipat sa Western Visayas Medical Center para sa karagdagang lunas.
Tiniyak naman ng Police Regional Office 6 Director na si PBGen Leo M Francisco na ang dalawang sugatang miyembro ng 1st Antique PMFC ay mabibigyan ng tamang medikal na atensyon at tulong pinansyal para sa kanilang pagpapagaling.