Dalawang pulis at ang kanilang mga commander ang nakatakdang sibakin mula sa serbisyo matapos umano silang magsilbing personal na gwardiya ni Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte nang walang opisyal na pahintulot mula sa Philippine National Police (PNP), ayon sa pahayag ng pamunuan nitong Miyerkules.
Kinumpirma ni PNP Chief Police General Rommel Marbil na nakita ang dalawang pulis na kasama si Duterte sa isang viral na video kung saan makikitang inaasulto niya ang isang lalaki sa loob ng isang bar sa Lungsod ng Davao. Kasama ng dalawang pulis sa naturang video ang dalawang kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Meron po kaming nakita sa video na apat po, dalawang pulis at dalawang armed forces. Doon sa dalawang pulis, they are not authorized, they are moonlighting,” ani General Marbil. Dagdag niya, “Madi-discharge po yung dalawang pulis namin for moonlighting, kasama po yung commanders nila for allowing them, for not accounting.”
Ang moonlighting, o ang pagtatrabaho ng mga pulis sa labas ng kanilang opisyal na tungkulin, ay mahigpit na ipinagbabawal ng PNP maliban na lamang kung ito ay may kaukulang pahintulot mula sa pamunuan. Ayon sa polisiya, ang mga pulis ay hindi dapat magsilbing personal security aide ng mga pribadong indibidwal o opisyal ng pamahalaan kung wala silang direktang atas mula sa organisasyon sapagkat ito ay maaaring magdulot ng conflict of interest at ilagay sa alanganin ang integridad at propesyonalismo ng isang opisyal ng pulisya.
Source: GMA News Online