Mati City, Davao Oriental – Arestado ang dalawang pekeng dentista sa entrapment operation ng kapulisan sa Redulla Traveler’s Inn, Brgy. Central, Mati City, Davao Oriental nitong Biyernes, Marso 18, 2022.
Kinilala ni PLtCol Ernesto Gregore, Chief of Police ng Mati City Police Station ang mga suspek na sina Mohammad Reeza Sacre Bajunaid, 22; at Norjan Tapia Bajunaid 25, kapwa residente ng Purok Matanog, Brgy. Bagua-1, Cotabato City.
Ayon kay PLtCol Gregore, inaresto ang dalawang suspek dahil sa pagsasagawa ng ilegal na pagkakabit ng braces na hindi awtorisado ng Philippine Dental Association (PDA).
Nakuha naman sa mga suspek ang kanilang mga gamit sa pagsasagawa ng mga ilegal na dental operation.
Aniya pa ni PLtCol Gregore, na nadakip ang dalawang suspek ng pinagsanib na puwersa ng CIDG Davao Oriental Provincial Field Unit 11 at Mati City Police Station.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007.
Pinapaalalahan ng Police Regional Office 11 ang ating mga kababayan na huwag tangkilikin ang mga ganitong gawain na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan dahil sa hindi awtorisadong dentista o doktor.
###
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara