Huli ang dalawang indibidwal, kabilang ang isang menor de edad dahil sa iligal na pangingisda sa Barangay Bato-Bato, Narra, Palawan nito lamang ika-24 ng Abril 2025.
Sa operasyon na isinagawa ng Quezon SBC-Narra Maritime Law Enforcement Team o MLET, Philippine Coast Guard Sub-Station Narra, at Bantay Dagat Narra, ay nakakumpiska ang gamit na pampasabog at kompresor sa isang motorized na bangka habang lulan ang mga suspek.
Nakuha rin ang dalawang Honda engine 16HP, compressor tank, hose, mga diving equipment, at mga bote na naglalaman ng hinihinalang ammonium nitrate na may kasamang mga blasting cap.
Ayon sa mga otoridad, isa itong malinaw na paglabag sa Section 92 ng Republic Act 10654 o Iligal na Pangingisda, RA 9516 o Ipinagbabawal na pag-iingat at paggamit ng pampasabog, at Palawan Provincial Ordinance No. 1643 o Pagbabawal sa paggamit ng compressor bilang breathing apparatus.
Samantala, muling pinapaalalahanan ng mga otoridad ang publiko na iwasan ang mga mapanganib at ipinagbabawal na paraan ng pangingisda, upang mapanatili ang kaligtasan ng mamamayan at ng karagatan.
Source: Bandera News TV Philippines
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadana