Arestado ang dalawang drug suspek sa isinagawang drug buy-bust operation ng Municipal Drug Enforcement Team ng Sablayan MPS sa Sitio Tabuk, Barangay Buenavista, Sablayan, Occidental Mindoro nito lamang ika-21 ng Abril 2025.
Kinilala ang mga nahuling suspek na sina alyas “Hob”, 35 taong gulang, residente ng Barangay Buenavista, Sablayan, Occidental Mindoro at alyas “Shi”, 24 taong gulang, residente ng Barangay Central, San Jose, Occidental Mindoro.
Naaresto ang mga suspek matapos mabilhan ng operatiba na nagpanggap bilang poseur buyer, ng isang pakete ng hinihinalang shabu kapalit ng buy-bust money.
Narekober naman kay alyas “Hob” ang anim pang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 1.96 gramo at may estimated value na Php13,328.
Sa ngayon ang mga suspek ay nananatili sa pag-iingat ng Sablayan MPS at nasampahan na ng kaukulang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang pagkakadakip sa suspek ay resulta ng magandang ugnayan at pagmamalasakit ng mamamayan at kapulisan sa komunidad lalo na sa pagpapaigting sa pagpuksa ng iligal na droga sa lalawigan para sa kaayusan at kapayapaan tungo sa kaunlaran ng bansa.
Source: Occidental Mindoro Police Provincial Office
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadana