Arestado ang dalawang drug pusher sa buy-bust operation na isinagawa ng Mangaldan PNP sa Barangay Alitaya, Mangaldan, Pangasinan noong ika-5 ng Mayo 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Roldan E Cabatan, hepe ng Mangaldan PNP ang dalawang suspek na sina alyas “Jomel”, 29 anyos, at alyas “John”, 29 anyos, parehong residente ng Manaoag, Pangasinan.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Mangaldan PNP, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA RO1).
Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na pakete ng hinihinalang shabu at peso bills na ginamit bilang buy-bust money.
Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay umaabot sa tinatayang 75 gramo na nagkakahalaga ng humigit kumulang Php500,000.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng determinasyon ng Pambansang Pulisya, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, para sa mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga. Ito ay naaayon sa kagustuhan ng kasalukuyang administrayon, na sugpuin ang ilegal na droga upang makamit ang isang maunlad na Bagong Pilipinas.