Tinukoy ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang na-dismiss na pulis na itinuturong utak sa pagpaslang sa beauty pageant candidate na si Geneva Lopez at sa kanyang Israeli boyfriend na si Yitzhak Cohen.
Iniharap ng Hepe ng Pambansang Pulisya na si PGen Rommel Francisco D Marbil, at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang mga suspek na sina Michael Guiang at Rommel Abuzo sa media sa press briefing sa Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City noong ika-8 ng Hulyo 2024.
Sinabi ni PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Police Major General Leo Francisco, na isang alitan sa lupa ang motibo ng pagpatay matapos tangkaing kunin ni Lopez ang parsela ng lupang nakasangla sa kanya ni Guiang dahil sa hindi niya pagbabayad ng perang inutang niya sa beauty queen.
Lumabas sa imbestigasyon na nakumbinsi ni Guiang si Lopez na makipagkita sa isang umano’y mamimili ng parsela ng lupa sa Capas, Tarlac noong Hunyo 21. Sinabi ng hepe ng CIDG na lingid ni Lopez, nakipagsabwatan si Guiang kay Abuzo para magpanggap na buyer.

“From that point nagkita sila sa Barangay Armenia at binaril ng dalawang dating pulis na ito ang magkasintahan. So makikita niyo, it’s a planned activity. Sa aming imbestigasyon ay nag-usap si Guiang at Abuzo tungkol sa gagawin nila sa magnobyo na ito, so there was that plan of killing nitong magnobyo na ito. Ayaw ibigay ni Guiang yung lupa na isinangla niya kay Geneva,” paliwanag ni CPNP.
Batay sa resulta ng autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation, namatay ang magkasintahan sa mga tama ng bala.
Sinabi ni Francisco na ang pagsuko ng isa pang Person of Interest (POI), alyas “Jun Jun”, ay humantong sa pagkakakilanlan ng mga suspek habang isinalaysay niya ang mga pangyayari noong araw na pinatay ang magkasintahan. Ibinunyag ni “Jun Jun”, na nagsilbing driver ni Guiang, ang lokasyon ng labi ng mag-asawa. Ang mga ito ay huli na hinukay ng mga awtoridad sa Barangay San Vicente sa bayan ng Capas noong Hulyo 6.
Tiniyak ni PGen Marbil na sasampahan ng two counts of Murder ang dalawang sangkot sa pagpatay kina Lopez at Cohen.
Ayon kay SILG Abalos, kakasuhan ng kasong illegal possession of firearms at illegal possession of explosives sina Guiang at Abuzo na resulta ng follow-up operations na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Si Abuzo at Guiang ay na-dismiss sa serbisyo noong 2019 at 2020 dahil sa AWOL (Absent Without Official Leave).
Panulat ni Tintin