Natukoy na ng Philippine National Police (PNP), kasama ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), ang dalawang casino junket operators na kasama sa dinaanan ng money trail na konektado sa pagpaslang kay Anson Que.
Sa ginanap na press briefing sa Kampo Krame ngayong ika-5 ng Mayo, binanggit ni PNP Spokesperson at PRO 3 Regional Director, Police Brigadier General Jean Fajardo, ang junket operators na 9 Dynasty Group at White Horse Club.
“Ang ransom money po na binayaran mula March 31 to April 8, 2025 ay dumaan sa dalawang junket operators, which is 9 Dynasty Group at White Horse Club,” diin ni PBGen Fajardo.
Nagamit ang mga ito sa pagtanggap ng 200 milyong ransom money nang dukutin ang negosyante bago matransfer sa cryptocurrency.
Natukoy na rin ang nasa likod ng 9 Dynasty Group na si Mark Ong, isang Chinese national na lumipat sa Pilipinas noong 1991 at lihim na gumagamit ng iba’t ibang alyas at ibang front companies para itago ang kanyang pagkakakilanlan at mga operasyon.
Samantala, hindi pa pinangalanan ng PNP ang nasa likod ng White Horse Club.
Planong iparerevoke ang junket operators’ authority to operate at junket agreement sa naturang mga casino, kasama na ang pag-freeze ng anumang pondong konektado sa kidnap for ransom o money laundering kabilang ang mga digital o virtual assets.
Source: Super Radyo DZBB 594khz at PNP FB Page