North Cotabato – Patay ang dalawang lalaki matapos ang armadong komprontasyon sa pagitan ng Kabacan PNP at dalawang armadong lalaki matapos ang dragnet operation sa Barangay Osias, Kabacan, North Cotabato noong Nobyembre 20, 2022.
Ayon kay PBGen Jimili Macaraeg, Regional Director ng PRO 12, nakatanggap ng tawag ang Kabacan Municipal Police station mula sa isang concerned citizen na meron umanong dalawang armadong lalaki ang umaaligid sa nasabing lugar.
Agad naman itong pinuntahan ng mga tauhan ng Kabacan MPS upang kumpirmahin ang nasabing ulat. Pagdating ng rumespondeng grupo sa lugar ay dito na nila namataan ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo.
Bago pa man makalapit ay bigla nalang silang pinaputukan ng mga armadong lalaki at dito na nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng dalawang grupo.
Nagtamo ng ilang tama ng bala ang mga suspek na agad namang isinugod ng kapulisan sa pinakamalapit na ospital ngunit sila ay idineklarang dead on arrival ng attending physician ng ospital.
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang unit ng calibre .45 pistol kasama ang ilang magazine at live ammunitions. Kasama din sa narekober ang ginamit na motorsiklo ng mga suspek, cellphones at dalawang pirasong maliliit na transparent heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng higit o kulang 1 gramo.
Ang mga narekober na hinihinalang shabu ay isusumite sa North Cotabato Provincial Forensic Unit sa Kidapawan City para sa pagsusuri habang ang mga narekober na baril ay dinala ng rumespondeng SOCO para sa ballistic at cross-matching examination.
“Pinapalakas natin ang ating kampanya laban sa loose firearms. We cannot allow these lawless elements to freely roam around,” ani PBGen Macaraeg.
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal