Calamba City – Nanungkulan na bilang bagong Acting Regional Director ng Police Regional Office 4A si Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas sa isinagawang Assumption of Office sa Covered Court, Camp BGen Vicente Lim, Calamba City nito lamang Oktubre 3, 2023.

Ang seremonya ay pinangunahan ni Police General Benjamin Acorda Jr, Chief, PNP bilang Guest of Honor at sinaksihan ng ilang matataas na opisyal ng PRO 4A, PNCOs at NUPs, mga miyembro ng lokal na pamahalaan, miyembro ng media, kapamilya, kamag-anak at mga kaibigan ng Outgoing at Incoming na Regional Director 4A.
Si PBGen Lucas ay isang ipinagmamalaking miyembro ng Philippine National Police Academy “PATNUBAY” Class of 1995, tubong Cordillera Region, pangalawang “Lakan” na mamumuno sa mga kalalakihan at kababaihan ng Police Regional Office CALABARZON at bago naging ARD, PRO 4A ay nagsilbi muna bilang Direktor ng Firearms and Explosives Office (FEO) sa Camp BGen Crame, Quezon City.

Samantala, itinurn-over naman ng outgoing Regional Director na si PBGen Gaces ang Office Symbol Property, Equipment Inventory Book, Unit Saber, Unit Color, at Property Book kay PBGen Lucas na buong kababaang-loob na tinanggap.
Binati naman ng Ama ng Pambansang Pulisya, PGen Acorda Jr. ang outgoing at incoming na Regional Director at hinihikayat ang mga ito na ituloy at pagtibayin ang adhikaing mapanatili ang kapayapaan, kaayusan at kaunlaran ng rehiyon ayon sa 5 Focused Agenda, “BIDA” o ang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan program at Bagong Pilipinas Concept katuwang ang mga stakeholders at komunidad.

Samantala, pagkatapos ng seremonya ay agad isinagawa ang drug testing sa mga tauhan upang matiyak na walang drogang kinakasangkutan ang PRO CALABARZON.
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin