Positibo si PNP Chief Police General Rommel Francisco D Marbil, na ipagpapatuloy ng susunod na hepe ng Pambansang Pulisya ang mga nasimulang reporma sa buong hanay.
“I don’t go for legacy. Gusto namin continuity. Dapat tuloy-tuloy yung reform, yung pagbabago, yung improvement,” saad ni PGen Marbil sa isa niyang interview sa Camp Crame.
Dagdag pa ni CPNP Marbil na nararapat din umanong maging mandatory ang continuing learning at education program ng PNP kaugnay sa batas. Sinabi pa niya na kwalipikado ang lahat ng mga posibleng kandidato sa pagka-hepe ng PNP sa ngayon.
Kabilang sa mga pinagpipilian sina PNP Deputy Chief for Administration Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.; PNP Chief Directorial Staff Police Lieutenant General Edgar Allan Okubo; National Capital Region Police Office Director Police Brigadier General Anthony Aberin; at Criminal Investigation and Detection Group Director Police Major General Nicolas Torre III.
“Lahat po sila magagaling. They have their own strengths and weaknesses. Lahat po sila capable of leading the Philippine National Police. I can assure these people are very good,” dagdag pa niya.
Matatandaang itinalaga ni President Ferdinand R. Marcos Jr. si PGen Marbil bilang PNP Chief noong April 1, 2024, na binigyan niya rin ng extension ng apat na buwan mula sa kaniyang mandatory retirement noong February 7, sa bunsod ng paghahanda ng bansa sa 2025 midterm elections.
Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, strikto niyang ipinatupad ang “No Tolerance for Cover-Ups”, na mas pinagtibay ang PNP “Zero Tolerance Policy” laban sa lahat ng PNP personnel na naiuugnay sa katiwalian at mga iregularidad alinsunod sa direktiba ni President Marcos kaugnay sa transparency and accountability sa lahat ng hanay ng Pambansang Pulisya.
Binigyang pansin din niya ang paglalatag ng tapat at totoong ulat ng PNP, partikular na sa mga insidenteng nangyari sa kani-kanilang lokalidad, lalo na kung may sangkot na mga tauhang nasawi o nasugatan sa naturang operasyon.
Sa kaniyang mga natitirang panahon bilang Chief, PNP, tiniyak ni PGen Marbil na bigyang priyoridad ang integridad ng hanay bilang mahalagang sangkap upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
Aniya: “I will hold all commanders accountable if they are found covering for their personnel. There should be no more gray areas when it comes to truth and accountability. We must ensure our actions reflect the values we stand for.”