Pinapaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa lahat ng mga canvassing areas sa buong bansa hanggang sa matapos ang panahon ng pagboto at pagbilang nito mula alas-6 ng hapon hanggang alas-12 ng madaling araw.
Iyan ay ayon sa kautusan ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D Marbil, kung saan inaasahan din nito na ang lahat ng police commanders ay mas papaigtingin pa ang kani-kanilang security measures simula alas-6 ng hapon.
“We don’t see any problem right now and we will be monitoring the accounting after the election by 7 P.M.,” sabi ni PGen Marbil sa isang interview niya kasama ang mga top police commanders sa Camp Crame in Quezon City.
“We should have more forces by 6 P.M. We want a full force by 6 P.M. up to 12 o’clock during the duration of the counting of votes,” dagdag pa niya.
Ayon sa datos ng PNP, nasa kabuuang 34,494 voting centers ang nakabukas simula alas 7 ng umaga nitong May 12, tinatayang nasa 91.92 percent ng kabuuang bilang ng polling centers sa bansa.
Nasa mahigit 163,000 pulis naman ang idineploy sa buong bansa, na tinutulungan naman ng mahigit 200,000 personnel mula sa iba’t ibang law enforcement agencies gaya ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine Coast Guard.
Sa kabila ng naturang mga deployment, mayroon pa ring mga iilang insidente ng pang-aatake na naiulat sa ibang bahagi ng bansa ilang oras bago magsimula ang halalan nitong araw ng Lunes.
Ngunit tiniyak naman ni PGen Marbil na sakto lamang ang bilang ng mga pulis na nakadeploy sa bansa, sapagkat nariyan din naman ang iba pang mga law enforcement agencies na nagdeploy din ng kani-kanilang mga tauhan.