Arestado ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 10 ang tatlong construction workers at nakuhanan ng Php170,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 7, Upper Puerto, Cagayan de Oro City nito lamang Mayo 21, 2024.
Ayon sa ulat ng RPDEU 10, ang pangunahing target ng operasyon ay ang isang 40 anyos na lalaki na dati nang naaresto ng City Drug Enforcement Unit ng Cagayan de Oro City Police Office ngayong taon dahil sa illegal drug trade, gayunpaman, nakapagpiyansa ito.
Ang dalawa pang suspek naman na naaresto ay pinaniniwalaang mga kasamahan niya sa pagre-repack ng droga.
Nakumpiska sa operasyon ang 25 gramo na hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php170,000 pesos, isang cellphone, Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, at iba pang mga drug paraphernalia.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy na nagtutulungan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa paglaban kontra ilegal na droga upang mapanatili ang payapa at kaligtasan ng mamamayan sa bawat komunidad tungo sa bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Junia Tria Molinos