San Fernando, Cebu – Tagumpay na inilunsad ng mga miyembro ng San Fernando Police Station sa loob lamang ng isang araw ang apat na aktibidad: Zumba, Mangrove Planting, Coastal Clean-up at Feeding Activity na ginanap sa dalawang kalapit na barangay ng San Fernando noong Linggo, ika-5 ng Hunyo 2022.
Ang mga nasabing aktibidad ay inisyatiba ng San Fernando Police Station na masugid na sinuportahan at pinangasiwaan ng hepe ng nabanggit na istasyon na si Police Major Timothy Jim Romanillos.
Ayon kay Police Major Romanillos, nagsimula ang aktibidad bandang alas 6:00 ng umaga sa harap ng San Fernando Police Station, na sinundan ng coastal clean-up sa Sitio Kalubihan, Brgy. North Poblacion, at pagtatanim ng mahigit 100 piraso ng mangrove sa Brgy. San Isidro, San Fernando.
Sa kaparehong araw, bandang alas-2:00 ng hapon ay isinagawa naman ang feeding activity sa Sitio Kalubihan, Brgy. North Poblacion na kung saan umabot sa mahigit 100 bata ang naging bahagi ng naturang gawain.
Ayon pa kay Police Major Romanillos, ang matagumpay na gawain ay naging posible sa suporta at aktibong pakikiisa ng mga kawani ng Municipal Advisory Council ng San Fernando at ang mga masugid na miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo ng San Fernando Chapter.
Ang maayos na pagkakasagawa ng mga nasabing gawain ay patunay na lahat ay posible kung may suporta at pagkakaisa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ang komunidad.
###