Humataw at umindak ang mga residente ng Barangay Putatan sa Muntinlupa City sa isinagawang Community Outreach Program for Women’s Month Celebration na pinangunahan ng Regional Police Community Affairs and Development Unit ng NCR nito lamang Martes, ika-19 ng Marso 2024.
Pinangunahan ito ni Police Lieutenant Colonel Randy D Alagao, Officer-In-Charge, RPCADU NCR katuwang ang Regional Retirement and Benefits Unit NCR, Revitalized Pulis sa Barangay at Lokal na Pamahalaan ng nasabing brangay.
Ang programa ay pinasimulan sa pagbibigay ng kaalaman patungkol sa Republic Act 9262 o ang Violence Against Women and their Children Act of 2004, Anti-illegal Drug at Anti-Criminality lectures.
Pinangunahan naman ng PNP Dance and Fitness Team ang isinagawang zumba dance activity kung saan humataw sa galak at saya ang mga kalahok na nakatanggap din ng mga papremyo na hatid ng LGU Putatan at Motoronda Vlog.
Kinaaliwan din ang dance showdown ng mga zumba ladies na bigay todo sa pagpapakitang gilas ng kanilang mga zumba moves. Kasabay nito ang pamamahagi ng health kit at sabon.
Patuloy ang adhikain ng ating mga kapulisan na mapangangalagaan ang kalusugan at katawan ng bawat miyembro ng PNP at ng komunidad. Isa lamang ito sa napakarami pang adbokasiya ng ating gobyerno upang mas mapagtibay ang ugnayan ng kapulisan at komunidad para sa bagong Pilipinas.
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos