Munai, Lanao Del Norte – Nagsagawa ng Community Outreach Program ang mga tauhan ng Police Regional Office 10, Regional Community Affairs and Development Division (RCADD) at Lanao Del Norte Police Provincial Office (PPO) sa Camp Bilal, Sitio Kura-kura, Brgy. Tamparan, Munai, Lanao del Norte nito lamang ika-14 ng Hulyo 2022.
Ang aktibidad ay alinsunod sa pagdiriwang ng ika-27th Police Community Relations Month at pinangunahan ni Police Colonel Henry G Dampal, Chief RCADD, Police Colonel Isaias A Bacurnay Jr, Provincial Director ng Lanao Del Norte PPO at Police Lieutenant Junald M Morales, OIC, Munai MPS ang programa sa pakikipag-ugnayan sa local na probinsiya ng Lanao Del Norte at Munisipyo ng Munai.
Dumalo rin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para maghandog ng serbisyo tulad ng Department of Health, Philippine Statistics Agency, Bureau of Fishers and Aquatic Resources, Philippine Identification System, Promoting unity, trust and confidence among Muslims and Christians (Pakigdait Inc.) at United Religions Initiative Southeast Asia and the Pacific (URI-SEAPac).
Nagsimula ang programa sa isang inter-faith prayer sa pangunguna ni Aleem Isa Bato, Moro Islamic Liberation Front-Joint Peace and Security Team at sinundan ng pambungad na pananalita ni Hon. Jasmin Batalo.
Sinundan ito ng mga mensahe ni Hon. Abdullah G. Macapaar o Commander Bravo, Mr. Musa Mohamad Sanguila, Regional Coordinator-URISeapac at ibinahagi ni PCol Dampal ang mensahe ng Regional Director ng PRO 10, Police Brigadier General Benjamin C Acorda, Jr.
Nagsagawa ng mobile library, libreng gupit, libreng tuli, libreng check-up at pamamahagi ng mga gamot, food packs at tsinelas. Bahagi rin ng programa ang pamimigay ng mga sisiw, fingerlings at mga pananim na gulay bilang pangkabuhayan ng 327 na mga residente.
Ang aktibidad ay naglalayong lalong magkaroon ng magandang ugnayan ang komunidad at mga ahensya ng gobyerno at tuloy-tuloy na maging parte ng pabangon mula sa pandemya at pag-unlad ng bansa.
###
Panulat ni NUP Sheena Lyn M Palconite