Baguio City – Patuloy ang isinasagawang clearing operations ng mga awtoridad ng Baguio City Police Office kasama ang Philippine Army, Philippine Navy, Public Order Safety Division, General Services Office at iba pang volunteers sa nasunog na bahagi ng Baguio City Public Market nito lamang ika-11 ng Marso 2023.
Ayon kay Police Colonel Francisco Bulwayan, City Director ng Baguio City Police Office, binigyan ni Mayor Benjamin Magalong ng isang linggo upang linisin ang nasabing area kung saan nagsimula sila kahapon, Marso 13 at posibleng matapos ng mas maaga dahil sa dami ng volunteers.
Dagdag pa ni PCol Bulwayan, nasa 250 PNP personnel naman ang naka-deploy sa area upang tumulong sa paglilinis.
Samantala, ayon naman kay City Fire Marshal Superintendent Marisol Odiver, tinatayang nasa Php24 milyon ang naitalang inisyal na danyos sa pagkasunog ng block 3 at 4 ng public market.
Gayunpaman, inaalam pa rin ng mga awtoridad ang tunay na sanhi ng sunog.