Arestado ang dalawang suspek sa isinagawang entrapment operation ng CIDG Regional Field Unit–National Capital Region para sa umano’y robbery-extortion sa Quirino Avenue, Tambo, Parañaque City noong ika-21 ng Mayo 2025.
Kinilala ni Police Major General Nicolas D. Torre III, CIDG Director, ang mga suspek na sina Xing Tao (Chinese) at Basmer (Filipino) na nahuli ng mga awtoridad habang tinatanggap ang demand na pera mula sa biktima. Narekober din sa kanila ang pasaporte ng biktima.
Ayon kay PMGen Torre III, nag-ugat ang operasyon sa isang reklamong inihain ng isang biktimang Chinese na umano’y hawak ng mga suspek ang kanyang pasaporte at humingi ng Php60,000 bago nila ibalik ito. Pinilit at binantaan umano ng mga suspek na ipapa-deport siya sa pamamagitan ng Bureau of Immigration kapag nabigo siyang magbigay ng pera.
Sinampahan na ng National Prosecution Service ang mga suspek ng paglabag sa Article 293 (Robbery) ng Revised Penal Code.
Pinuri naman ni PMGen Torre III ang matagumpay na pagkakaaresto ng CIDG Regional Field Unit-NCR sa mga suspek, at tiniyak ang publiko na patuloy ang buong hanay ng kapulisan sa paghuli ng mga kriminal na lumalabag sa batas – Pilipino man o banyaga.