Pormal na isinagawa ng Philippine National Police (PNP), sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Change of Command Ceremony and Retirement Honors for Police General Rommel Francisco D. Marbil sa PNP Multi-Purpose Center, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City ngayong Hunyo 2, 2025.
Si PGen Marbil ay nagsilbi bilang PNP Chief mula Abril 1, 2024 kung saan nakilala siya sa kanyang mahigpit na pagpapatupad ng ‘No Tolerance for Cover-Ups’ o ‘Zero Tolerance Policy’ na umaayon sa panawagan ni Pangulong Marcos Jr. para sa transparency at accountability sa lahat ng antas ng PNP.
Siya rin ay kinilala para sa pag-streamline ng mga organizational policies at pagtataguyod para sa libreng legal services sa mga militar at uniformed personnel (MUP) na nahaharap sa mga kasong sibil, kriminal o administratibo na may kaugnayan sa pagganap ng kanilang mga opisyal na tungkulin. Malaki rin ang naging papel ni PGen Marbil sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko sa 2025 National at Local Elections (NLE).


Kasabay ng pagretiro at pagbaba sa pwesto ni PGen Marbil ay ang pagtalaga kay Police General Nicolas D. Torre III bilang 31st Chief ng PNP, na kilala sa mga matagumpay na pagresolba sa mga high-profile na kaso bilang dating Hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Siya ang unang alumnus ng Philippine National Police Academy (PNPA), na kabilang sa Tagapagpatupad Class of 1993, na mamumuno sa buong pwersa ng kapulisan.
Si PGen Torre III rin ang nasa likod sa matagumpay at makasaysayang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11, 2025 at kay Pastor Apollo Quiboloy noong Setyembre 8, 2024 sa Davao.

Bilang bagong Hepe, hinamon ni Pangulong Marcos si PGen Torre na tiyakin ang malinis at marangal na hanay ng kapulisan. Aniya, “I challenge you to ensure a clean police rank, who serve with integrity. Make the cops’ presence felt in the streets. If the public has concerns, the cops must immediately respond…Let your badge be your daily pledge not to command but serve with integrity.”
Sa kanyang unang mensahe bilang Hepe ng PNP, nagpasalamat siya kay Pangulong Marcos sa tiwalang binigay sa kanya upang pamunuan nang may tapang at integridad ang buong kapulisan.

Binigyang-diin niya sa kanyang liderato ang tatlong core pillars: swift and responsive public service, fostering unity and morale within the ranks, and promoting accountability and modernization. Dito, mas pagtutuunan ng pansin ang mabilis na pagtugon sa mga hinaing ng publiko o ang 3-minute police response time, pagpapaunlad ng morale ng buong hanay, pagtataguyod ng serbisyo-publiko na may pananagutan, at pagtangkilik sa mga modernong teknolohiya sa pagpapatupad ng batas.
“We will be present. Makikita niyo kami sa lansangan, sa komunidad, sa palengke, at sa bawat lugar na kinakailangan ng aming presensya para magbigay ng kapanatagan ng kalooban….Sa ilalim ng aking pamumuno, ang batas ay patas, ang serbisyo ay mabilis, at ang kapulisyahan ay karapat-dapat ng inyong tiwala,” ani PGen Torre III.
Sa bagong liderato ng PNP, aasahang mas paiigtingin pa ng buong kapulisan ang paggawa ng mga hakbang upang panatilihin ang kaligtasan at seguridad ng publiko.